Martes, Agosto 14, 2012

Agham Panitikan :)

Panunuring Pampanitikan

Ø  Isang uri ng pagtalakay na nagbibigay-buhay at diwa sa isang sa isang likhang sining. Isang kaisipang hindi tapos.
(Ramos at Mendiola)

Ø  Isang agham ng teksto na inuugnay sa Gawain ng isang kritiko na may pinaghahanguang iba’t ibang teorya.

Ø  Isang esensyal na Gawain sa pagsasanay na ginugulan ng oras at panahon sa pagsusulat ng mapanuring pagpapahayag.

Ø  Hindi lamang nagsusuri o nagbibigay kahulugan sa mga nagaganap sa daigdig kundi ito’y isang paraan ng pagsusuri sa kabuuan ng tao.

Katangian ng isang mahusay na Kritiko:

1.        Malawak ang kaalaman sa paksa.
2.       Matapat sa sariling itinuring ang panunuri ng mga akdang pampanitikan bilang isang sining.
3.       Handang kilalanin ang sarili bilang manunuri ng akdang pampanitikan at hindi manunuri ng lipunan, manunulat, mambabasa o idelohiya.
4.      Laging bukas ang pananaw sa mga pagbabagong nagaganap sa panitikan.
5.       Iginagalang ang desisyon ng ibang kritiko na patuloy na sumasandig sa ibang disiplina.
6.      Matapat na kumikilala sa akda bilang isang akdang sumasailalim sa paraan ng pagbuo o konstruksyon batay sa sinusunod na alituntunin o batas.
7.       Kailangan ang tigas ng damdaming naninindigan upang maging tiyak na kapakinabangan ng panitikan ang kanyang pagmamalasakit.
8.      May kakayahang ipakita ang pagkakaiba ng isang obra sa iba pang likhang sining.
 
Paraan sa Pagsusuri ng Akdang Pampanitikan :
1.        Pagbabasa ng akda.
2.       Pag-unawa sa teksto.
3.       Pagsusuri ng mga elementong taglay ng isang akdang pampanitikan.
4.      Pagpapabasa sa iba.

Teoryang Pampanitikan

A.      Realismo – katotohanan ang mahalaga kaysa sa    kagandahan
B.      Bayograpiya – tumutuklas sapilosopiya ng manunulat
C.      Feminismo – nakatuon sa pagtuklas ng muling pagtaya sa mga isinulat ng kababaihan bilang ekspresyon ng karanasang pangkababaihan. Pinapantay ang babae sa mga lalaki sa iba’t ibang larangan.
D.     Historikal – nakabatay sa impluwensya  nagpapalutang sa isang akda, ang sitwasyong politikal at tradisyon na nakapaloob sa akda.
E.      Humanismo – naniniwalang tao ang sukatan ng lahat ng bagay.
F.       Klasismo – pinapahalagan ang paglikha ng kagandahan at hindi angkop ang paggamit ng mga salitang balbal at labis na emosyon
G.      Sosyolohikal – tumutalakay sa kalagayang panlipunan
H.     Imahismo - gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-adka na layong ilantad ang totoong kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan.
I.        Formalismo/Formalistiko - kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa – walang labis at walang kulang.
J.       Saykolohikal/Sikolohikal - Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.
K.      Romantisismo - ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan.
L.      Kultural - Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi
M.   Moralistiko - ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali.
N.     Arkitaypal - ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolo.

Mga Kritikong Pilipino sa Panitikang Filipino :

1.        Alejandro G. Abadilla 

2.       Teodoro A. Agoncillo

3.       Virgilio S. Almario

4.      Lope K. Santos 

5.       Ponciano B.P. Pineda 

6.      Lamberto E. Antonio

Kahalagahan ng Pagsusuri :

1.        Maibigay ang magandang bagay na likha ng sining.

2.       Matukoy ang kahinaan at kalakasan ng isang sining na magpapakilala sa huli ng kabutihan nito.

Balangkas ng Pagsusuri:


 

Panunuring Pampanitikan

(Tula)
I. Pamagat :
II.  May-akda :
III. Pagsusuri:
A.      Nilalaman
1.       Tema :
2.       Paksa :
3.       Sining ng pagpapahayag:
4.       Layon:
5.       Persona:
6.       Banghay /detalye:
7.       Argumento:
B.      Istruktura
1.       Anyo:
2.       Sukat :
3.       Tugma
4.       Pamamaraan:
5.       Himig :
6.       Teoryang Pampanitikan:
C.      Kariktan
1.       Antas ng wika:
2.       Imahe/Simbolismo:
D.      Pangkaisipan
1.       Bisa (ISIP at DAMDAMIN) at Kaukulan:
2.       Bahaging gustung-gusto:
3.       Reaksyon at Rekomendasyon:


 Halimbawa:

Panunuring Pampanitikan
(Tula)
I. Pamagat : Sa Tabi ng Dagat
II.  May-akda : Ildefonso Santos
III. Pagsusuri:
A.      Nilalaman
1.        Tema : Pag-ibig
2.       Paksa : Ironiya ng pagpasok sa isang relasyon
3.       Sining ng pagpapahayag: Pasalaysay at paglalarawan
4.      Layon: Mapaglarawan at mapagpanuto
5.       Persona: Kasintahang lalaki o binata
6.      Banghay /detalye:
a.       Unang saknong
Sinundo ng lalaki ang kanyang kasintahan para maligo sa dagat at pinapahiwatig na sila’y tatakas. Inilarawan ng may-akda ang paa ng babae.
b.      Ikalawang saknong
Dumaan sila sa pilapil at may mga basang  damuhan at naghabulan sila papuntang pampang ng dagat.
c.       Ikatlong saknong
Nagtampisaw sila sa tabi ng dagat at nanguha ng mga lamang dagat.
d.      Ikaapat na saknong
Sa pagtakip-silim sila’y uuwi na dama at dala ang stamis at sakit ng kanilang pag-iibigan.
7.       Argumento: Ang pag-ibig ay may kaakibat na responsibilidad.
B.      Istruktura
1.        Anyo: May tiyak na sukat at tugma
2.       Sukat : Mayroon itong apat na taludtod at lalabinwaluing pantig sa bawat taludtod.
3.        Tugma:
Gumamit ang may-akda ng tugmang  karaniwan sa tatlong saknong maliban sa ikatlong saknong na  tugmang ganap.
4.      Pamamaraan:
Masigasig, makatotohanan at imahinistiko ang tulang ito.
5.       Himig :
Nakakakilig sa simula ngunit natapos ito ng malungkot.
6.      Teoryang Pampanitikan: Imahenismo
C.      Kariktan
1.        Antas ng wika:
Matalinghagang pananalita ang ginamit ng may-akda na kung saan ay pareho niyang ginamit ng idyoma at tayutay:
a.       Paang binalat sibuyas – makinis
b.      Sakong wari’y kinuyom na rosas –mapula
c.       Damong may luha ng mga bituin – hamog               
2.        Imahe/Simbolismo:
Ang ikatlo at ikaapat na taludtod sa unang saknong ng tula ay naglalarawan na ang babae sa tula ay maganda sapagkat nabubuo saking isipan ang paang maputi, makinis na may mapulang sakong.
D.     Pangkaisipan
1.        Bisa  at Kaukulan:
Replektibo ang nakapaloob na damdamin sa tula at mabigat ang pinag-uukulan nito. Napagtanto ko sa tula na mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig lalo’t kung hindi pa kayo handa. Naniniwala ako na Masaya at masakit ang umibig.
2.       Bahaging gustung-gusto:
Ikatlong saknong ng tula dahil ito ang pinamasayang sandal sa piling ng isa’t isa.
3.       Reaksyon at Rekomendasyon:
Maganda ang tula at nararapat itong basahin ng mga kabataan dahil maaari nilang makita ang kanilang sarili sa pangyayari at mapaalalahanan sila sa larangan ng pag-ibig. 
 



Tula-Suri
Pag-aaral ng Isang  Likhang Sining

                        Isa sa pinakamagandang naisatitik ni ildefonso Santos ay ang tulang Sa Tabi ng Dagat. Sa istilong mayroon ang makatang ito inaasahan na mapag-iisip ng malalim ang mambabasa nito sa pagtukoy ng kahulugan ng kanyang nga kataga at pagpalutang ng mga ideya sa larawang guhit na maglalaro sa ating imahinasyon.

                        Likhang sining ang tulang ito na may kakaibang istilo sa istruktura na kung titingnan ay malayang taludturan ngunit sa pagbabaybay ng mga taludtod mapapansing tradisyunal ang pagkakabuo nito. Sa unang tingin tila napakadali lamang at payak ang tulang may sukat at tugma na ito ni G. Santos dahil sa napaiksi nito ngunit ang apat na saknong na ito na mayroong lalabinwaluhing pantig ay kinakailangan basahin ng makailang ulit dahil sa ang pagsasalaysay na kanyang ginawa ay masining na paglalarawan. Makatotohanan ang nilalaman nito dahil ang tema nito ay pag-ibig, masasalamin ng mga kabataan ang kanilang karanasan sa tamis at pait ng pagpasok sa isang relasyon. Masigasig na nailarawan ng makata ang pangyayari sa tula na may hangaring magpayo sa mga mambabasa nito.

                        Ang kasintahang lalaki ang persona sa tula na nagsalaysay ng mga kaganapan sa kanila sa buong araw. Sinundo ng lalaki ang kanyang kasintahan para maligo sa dagat at pinapahiwatig sa simula na tila sila’y tatakas. Dumaan sila sa pilapil na may mga basang  damuhan at naghabulan sila papuntang pampang ng dagat. Nagtampisaw sila sa tabi ng dagat at nanguha ng mga lamang dagat. Sa pagtakip-silim sila’y uuwi na dama at dala ang saya at sakit ng kanilang pag-iibigan. Sa pangyayari, pinalutang ng makata ang argumento  nito na ang pag-ibig ay may kaakibat na responsibilidad. Dapat malaman ng mga kabataan ang kanilang limitasyon at nakahanda sa magiging resulta ng kanilang ginawa, kung handa kang masaktan kailangan ay nakahanda ka ring masaktan. Madadama sa tula ang himig na nakakakilig sa simula at sa huli ay nakakalungkot na nagpatibay sa paksa ng kanyang tula.
       
                           Teoryang imahismo ang ginamit ng may-adka  dahil sa mga imahen na naghahayag ng mga damdamin at kaisipan na layong ilantad ang totoong kaisipan sa loob ng akda. Ang unang saknong ay nagtataglay ng imahe na naglalarawan na ang babae sa tula ay maganda sapagkat nabubuo saking isipan ang paang maputi, makinis na may mapulang sakong.

di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat sibuyas,
ang daliring aring
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Nagpalitaw din sa kariktang taglay ng tula ang matatalinghagang pananalita na kung saan ay parehong  ginamit ng may-akda ang idyoma at tayutay tulad ng mga sumusunod na parirala - paang binalat sibuyas, sakong wari’y kinuyom na rosas  at damong may luha ng mga bituin.

            Matimpi at pigil ang nakapaloob na damdamin sa tula at mabigat ang pinag-uukulan nito. Ang ikatlong saknong ng tula ang bahaging nakapukaw ng aking kamalayan dahil ito ang pinamasayang sandali sa mga tauhan ng tula. Napagtanto ko sa tula na mahirap makipagsapalaran sa pag-ibig lalo’t kung hindi pa kayo handa. Naniniwala ako na masaya at masakit ang umibig. Maganda ang kabuuan ng  tula at nararapat itong basahin ng mga kabataan dahil maaari nilang makita ang kanilang sarili sa pangyayari at mapaalalahanan sila sa larangan ng pag-ibig.
                                                                                   
Pagsusuri ni :
Gng. Wilma E. Hermogenes

4 (na) mga komento:

  1. magaling! nakakatulong nga... good job po ... thanks din

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. maraming salamat sa pagbabasa at pagpapahalaga :)

      payabungin at itelekwalisahin ang Wikang Filipino!!!

      Burahin
    2. Salamat sa impormasyon

      Burahin
    3. maraming salamat po! Magaling!God bless!

      Burahin